Manila, Philippines – Kinalampag ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate ang gobyerno na isunod na papanagutin sa batas ang iba pang human rights violators.
Ang panawagan ay kasunod ng hatol ng Malolos RTC Branch 15 ng guilty sa kasong kidnapping sina retired Major General Jovito Palparan at ang dalawang iba pang opisyal kaugnay sa pagkawala ng dalawang UP students na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan.
Giit ni Zarate, ngayong naibaba na ang verdict kina Palparan at sa iba pang opisyal, dapat na isunod na parusahan ang iba pang opisyal na lumalabag sa karapatang pantao.
Bagaman at welcome para sa kongresista ang pagbaba ng hatol ng korte kina Palparan at sa iba pa, tinawag naman na “painfully long overdue” ang kaso ng dalawang UP na noong 2006 pa dinakip ng mga armadong lalaki.
Aniya, natagalan man, isa pa ring magandang balita ito para sa human rights community, sa mga human rights defenders at para sa pamilya ng mga biktima.
Dagdag pa ni Zarate, magsilbing babala ang kaso nila Palparan sa iba pang human rights violators na darating din ang paghuhukom at pagpaparusa sa kanila.
Samantala, sinabi naman ni Kabataan Representative Sarah Elago na patuloy pa rin ang paglaban sa impunity dahil marami pa rin ang katulad ni Palparan na nakakalaya sa kabila ng mga human rights violations na ginawa.