Manila, Philippines – Kinalampag muli ni House Committee on National Defense and Security Vice Chairman Rodolfo Biazon ang Kamara na umpisahan na ang pagdinig sa dalawang resolusyong inihain kaugnay sa paglalagay ng missile system ng China sa Spratlys.
Nababahala si Biazon dahil nagdeploy naman ngayon ang China ng nuclear-capable bomber aircraft sa isa sa mga isla sa Spratlys.
Dahil dito, inaapura ni Biazon na dinggin na ng Mababang Kapulungan ang HR 1855 na humihimok na mag-convene ang National Defense and Security para i-address ang posibleng paglala ng military presence ng China sa bansa at ang HR 1856 na nagbibigay direktiba sa Committee on National Defense and Security ng Kamara na imbestigahan ang deployment ng missiles sa mga reefs sa Spratly island.
Giit ni Biazon, labas sa usaping pulitika ang isyu na ito at ito ay usapin na dapat seryosohin dahil banta ang hakbang ng China sa national territorial integrity at security ng bansa.
Naniniwala naman si Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na pinapalakas na ng China ang kanilang pwersang militar sa teritoryo ng bansa.
Ayon kay Alejano, ang range ng bomba ay sakop ang buong teritoryo ng Pilipinas na siyang dapat na ikaalarma na ng pamahalaan.