Manila, Philippines – Kinalampag ni ACT Teachers Rep. France Castro ang Department of Education tungkol sa patuloy na pagkadelay sa pagbibigay ng Performance-Based Bonus o PBB sa mga kawani ng ahensya partikular ang mga guro.
Ayon kay Castro, malapit na matapos ang 2017-2018 school year sa Marso pero ang marami pa ring DepEd employees ang hindi nakakatanggap ng kanilang 2016 PBB.
Bigo umano ang DepEd na aksyunan agad ang mga dokumento para sa pagpoproseso ng dokumento para sa nasabing benepisyo.
Kinalampag ni Castro si Education Secretary Leonor Briones na pabilisin ang proseso sa pagri-release ng PBB ng mga Public School Teachers.
Nauna dito ay naghain ang kongresista ng House Resolution 1607 para siyasatin at pagpaliwanagin ang Department of
Budget and Management at DepEd kung papaano nagkaroon ng delay sa proseso ng PBB at papanagutin ang mga nasa likod ng pagkaantala sa benefits.
Tinututulan din ng mambabatas ang konsepto ng pagbibigay ng PBB dahil lumilikha lamang ito ng kompetisyon at diskriminasyon sa mga empleyado.