KINALAMPAG | Pagbuo ng task force laban sa hindi makatwirang presyo ng petrolyo, iginiit

Manila, Philippines – Kinalampag ni Committee on Ways and Means Chairman Senator Sonny Angara ang Department of Energy (DOE) at Department of Justice (DOJ) para bumuo ng task force na mag-iimbestiga sa hindi makatwirang presyo ng produktong petrolyo sa ilang probinsya.

Ang hakbang ni Angara ay kasunod ng report na umabot na ngayon sa P71.17 per liter ang presyo ng gasolina sa Odiongan, Romblon habang P57.46 naman ang presyo ng diesel.

May report din na ang presyo ng gasolina sa Laoag, Ilocos Norte ay nasa P62.70 per liter at ang diesel ay P49.90 per liter.


Ayon kay Angara, napakataas ng nabanggit na mga presyo kumpara dito sa Metro Manila kung saan ang gasolina ay P58.90 per liter, habang ang diesel ay P48.35 per liter.

Giit ni Angara, hindi dapat palampasin ang mga nananamantala sa inflation rate na pumalo na ngayon sa 6.7% dahil taongbayan ang magdurusa.

Kasabay nito ay tiniyak ni Angara na puspusan din ang paghahanap ng solusyon ng Senado sa patuloy na tumataas na inflation rate o presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Angara, inaapura ngayon ng Senado na maipasa ang Rice Tarrification Bill para mapababa ang presyo ng bigas at pinag-aaralan din nila kung ano ang pwedeng gawin laban patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo.

Facebook Comments