Manila, Philippines – Nakahanap ng kakampi si Solicitor General Jose Calida kaugnay sa isyu ng nakuhang kontrata sa gobyerno ng security agency ng kanyang pamilya.
Matatandaang ilang mambabatas sa oposisyon ang nanawagan sa Pangulo na sibakin si Calida o di kaya ay kusa itong magbitiw sa kanyang pwesto bilang SolGen.
Pero sa talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte sa tanggapan ng Bureau of Customs kahapon, iginiit nito na mabuting tao si Calida kaya bakit niya ito sisibakin.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na hindi iligal ang pagkakaroon ni Calida ng share sa Vigilant Investigative and Security Agency Inc. (VISAI) dahil hindi naman siya ang mismong namamahala at nag-apruba ng nakuha nitong kontrata sa gobyerno.
Bukod sa National Parks Development Committee (NPDC), may kontrata rin ang VISAI sa National Economic and Development Authority (NEDA), National Anti-Poverty Commission (NAPC) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Sa kabila nito, sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na tuloy ang pag-review nila sa kontrata ng VISAI.