Manila, Philippines – Nagkakaisang kinastigo ng mga senador ang Commission on Higher Education o CHED dahil sa pagtanggal ng Filipino at Panitikan sa curriculum sa kolehiyo.
Giit ni Senator Kiko Pangilinan sa CHED, isantabi ang nabanggit na polisiya dahil ang pambansang wika ng alinmang bansa ay dapat ituring na mahalagang kurso sa mga paaralan.
Payo ni Senator Koko Pimentel sa CHED, ibalik sa core curriculum sa kolehiyo ang ating sariling wika at Panitikan dahil pa marami tayong matututunan dito.
Ikinakahiya naman ni Senator Panfilo Ping Lacson, na sa kabila ng pagiging Pilipino natin ay maraming mga bata ngayon ang hindi marunong magsalita ng Filipino.
Giit naman ni Senator Joel Villanueva, ang ating wikang Filipino at Panitikan ay napakahalaga sa paghubog ng ating kaisipan bilang Pilipino.
Mungkahi ni Villanueva, pag-igihin at palakasin ang pagtuturo nito sa elementary at high school at pag-isipan mabuti ang curriculum na ipapaloob kung isasabatas ang pagtuturo nito sa kolehiyo upang hindi maging paulit-ulit.
Ipinunto naman ni Senator Chiz Escudeor na bagaman at dapat iakma sa mga pagbabago sa kasalukuyang panahon ang curriculum ay hindi dapat maging pabigla-bigla ang anumang desisyon dito at hindi na rin dapat idaan pa sa lehislasyon.
Katwiran naman ni Senator Win Gatchalian na kailangang manatili ang Filipino at Panitikan sa kolehiyo upang hindi mawala ang kaalaman ng mga kabataan sa mas malalim na paggamit nito.
Sabi pa ni Gatchalian, ang ating wika ay isang mahalagang koneksyon sa kasaysayan ng ating bansa.
Una ng iginiit ni Senate President Tito Sotto III na ang nabanggit na hakbang ng CHED ay labag sa itinatakda ng konstitusyon na dapat pangunahan ng gobyerno ang pagsusulong sa pagagamit ng Filipino sa mga opisyal ng komunikasyon at sa sistema ng ating edukasyon.