Manila, Philippines – Mahigit kalahating bilyong pisong utang sa buwis ang hinahabol ng BIR sa limang kumpanya na naka-base sa Quezon City, Pasig City at Tanay, Rizal.
Ang mga ito ay ang Daeah Philippines Incorporated, Job 1 Global Incorporated, Moderntex Incorporated, Stoneglobal Philippines Incorporated at Yarntech Manufacturing Corporation.
Sinampahan ng BIR sa DOJ ang limang kumpanya ng kasong tax evasion dahil sa hindi nabayarang buwis na umabot sa kabuuang 557.53 million pesos.
Pinakamalaki na tax liability ay ang sa Yarntech na nasa Tanay, Rizal para sa bigong mabayarang buwis noong 2012 na umaabot sa 361.42 million pesos.
Sumunod ang Daeah Phils sa Pasig City na may utang sa buwis na 175.84 million pesos noong 2014.
Kabuuang 8.41 million pesos naman ang tax deficiency ng Job 1 Global sa Cubao, Quezon City para sa taxable year 2009.
Mahigit anim na milyong piso naman ang hindi nabayarang buwis ng Moderntex sa Pasig City habang 5.79 million pesos naman ang utang ng Stoneglobal sa Quezon City noong 2012.
Kabilang sa ipinagharap ng BIR ng reklamong paglabag sa National Internal Revenue Code ang mga opisyal ng limang kumpanya.
Tuluyan na silang kinasuhan ng BIR dahil sa patuloy na pagtangging magbayad sa kabila ng paulit-ulit na abiso ng kawanihan.