KINASUHAN | Panibagong reklamo, isinampa ng NBI laban sa mga opisyal ng isa pang resort sa Boracay

Aklan – Isa pang reklamo ang inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) Environmental Crime Division sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng nangyaring kontaminasyon sa Boracay Island na naging dahilan ng pansamantalang pagsasara ng isla.

Partikular na isinampa ng NBI ang mga kasong paglabag sa Revised Forestry Code, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Local Government Code.

Kabilang sa mga kinasuhan ang mga opisyal ng Yooringa Corporation na may-ari ng Karuna Boracay Suites na sina:


Georgina Marie T. Piit – Chairperson/President and CEO
Shirley Ramos Mamburang – Treasurer
Evangeline Quevedo De Leon – Chief of Staff
Cristina De Peralta – member, Board of Directors at
Jerome O. Briones – Authorized Representative of Melvin Robert Latter

Sinampahan din ng NBI ng reklamo sa DOJ sina Malay, Aklan Mayor Ceciron Cawaling, dating Mayor John Yap, dating Aklan Provincial Assessor Enrique Claudio, at incumbent Aklan Provincial Assessor Kokoy Suguilon.

Nakasaad sa complaint na ang iligal na pag-okupa at pag-develop ng Karuna sa resort nito ang isa sa mga nagdulot ng kontaminasyon sa Boracay Island.

Una nang sinampahan ng NBI ng reklamo sa DOJ ang mga stockholders at may-ari ng Correos Internacionale, Seven Seas Boracay Properties, Inc., Denichi Boracay Corp., Boracay Island West Cove Management Philippines at Boracay Tanawin Properties, Inc, na may-ari ng Boracay Tanawin Resorts.

Facebook Comments