Kinatawan ng mga electric cooperatives sa Kamara, nanawagan sa maagap na restoration ng kuryente sa mga binagyong lugar

Umapela na ang mga kinatawan ng electric cooperatives sa gobyermo na i-release na ang pondo para sa pagsasaayos ng mga linya at poste ng kuryente sa mga lalawigan na sinira ng Bagyong Tisoy.

Ayon kay PHILRECA (Phil. Rural Electric Cooperatives Association Inc.) Rep. Presley de Jesus, dapat na ilabas na ng pamahalaan ang ₱750 Million na pondo ng Electric Cooperatives Emergency Resiliency Fund (ECERF).

Layon ng RA No. 11039 o ECERF Act na matiyak ang agarang restoration o pagsasaayos ng napinsalang mga imprastraktura pagkatapos tumama ng kalamidad.


Hiniling naman agad ni Ako Padayon Pilipino Rep. Adriano Ebcas, na agad i-mobilize ng mga electric cooperatives ang kanilang response and rescue teams para matiyak na walang mapapahamak sa mga bumagsak na poste o naputol na linya ng kuryente.

Pinatitiyak naman ni RECOBODA (RURAL ELECTRIC CONSUMERS AND BENEFICIARIES OF DEVELOPMENT AND ADVANCEMENT, INC.) Rep. Godofredo Guya na agad na maire-restore o maibabalik ng mga electric coops ang suplay ng kuryente sa mga lugar na binabagyo.

Sa kabilang banda ay pinatitiyak naman ng House Power Bloc ang kaligtasan din ng mga lineworkers na sumusugod sa sama ng panahon maisaayos lamang ang suplay ng kuryente.

Facebook Comments