Manila, Philippines – Kinondena ng koalisyon ng mga consumer ang desisyon ng Court of Appeals na paburan ang petisyon ng apat na commissioner ng Energy Regulatory Board (ERC) laban sa suspension order na inilabas ng Ombudsman.
Ayon kay Atty. Aaron Pedrosa, convenor ng Power for People Coalition o P4P Coalition, bulag ang tila nagbubulagbulagan ang CA na dapat sana ay pinu-protektahan nito ang interest ng taongbayan.
Kabilang sa mga opisyal ng ERC na sinuspinde ng Ombudsman ay sina Commissioners Alfredo Non, Gloria Yap-Taruc, Josefina Patricia Magpale-Asirit at Geronimo Sta. Ana dahil sa reklamong graft bunsod sa di umano ay pakikipagsabwatan sa Meralco at iba pang electric producers.
Kinundena rin ng coalition ang pagpabor ng ERC officials sa grupo ng electric companies nang ipatupad ang power supply agreements na inihain ng Meralco at iba pa, sa halip na iimplementa ang Competitive Selection Process, legal na proseso na ang layon ay matiyak na pinakamura ang presyo ng elektrisidad.
Itinuturing ng koalisyon na ang permanent injunction na pinalabas ng Court of Appeals pabor sa Meralco at sister energy companies ay lantarang pagbabawal laban sa mas mura, mas malinis, mas ligtas na energy sources.
Mistula aniyang tinanggap ng CA ang kultura ng korapsiyon na normal na gawain sa loob ng Energy Regulatory Commission (ERC).