Thursday, February 12, 2026

Kinondena ni Rep. Elago ang pananaw ni Sen. Padilla: Hindi kahinaan ang kabataan sa pagharap sa mental health

Kinondena ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang pahayag ni Sen. Robin Padilla na “mahihina” ang kabataan ngayon dahil bukas silang nagsasalita tungkol sa depresyon at mental health.

Ayon kay Elago, mapanganib ang ganitong pananaw ng senador dahil ang depresyon at iba pang suliranin sa kalusugan ay hindi imbento ng bagong henerasyon—matagal na itong umiiral, ngunit noon ay natatabunan ng katahimikan, stigma, at kakulangan ng kaalaman.

Diin ni Elago, hindi kahinaan ang pag-amin sa mental health problems. Bagkus, ito ay tanda ng tapang ng kabataan na kilalanin, unawain, at harapin ang kanilang pinagdaraanan.

Giit pa ng mambabatas, dapat kilalanin ng mga lider ng bansa ang mabibigat na hamon na kinakaharap ng kabataan ngayon: krisis sa edukasyon, kawalan ng trabaho, kahirapan, patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, at walang habas na pagkalat ng misinformation at online abuse sa social media.

Ayon kay Elago, tungkulin ng mga mambabatas na pakinggan, unawain, at suportahan ang kabataan at hindi patahimikin o husgahan.

Facebook Comments