Manila, Philippines – Sinopla ni Department of Education Secretary Leonor Briones ang pahayag ng Alliance of Concerned Teachers na bigo ang K to12 program dahil sa hindi naman nagkatrabaho ang unang graduates ng Grade 12 dahil sa job mismatch.
Ayon kay Briones, hindi trabaho kundi ang maihanda ang kinabukasan ng mga kabataan sa pamamagitan ng pinalakas na kalidad ng edukasyon ang pinaka layunin ng programa.
Binigyan diin pa ng kalihim na 61% ng mga nagtapos sa Senior High School ay walang balak maghanap ng trabaho kundi magtuloy tuloy sa kolehiyo.
Wala na aniyang dahilan para walang makap-agaral sa kolehiyo lalupa’t napapakinabangan na ang Free Education.
Mas pinalawak lamang ang option ng mga estudyante dahil ang natitirang 38 % na kumuha ng Technical Vocational ay posible talaga na agad magkatrabaho.
Ito aniya ay sa dahilang sa immersion o On the Job training level pa lamang ay nagustuhan na sila ng mga amo dahil maliban sa may kasanayan na ay naipasa pa nila ang certification ng TESDA.