KINUMPIRMA | Court of Appeals official, pinatotohanan ang pangingialam ni CJ Sereno sa kaso ng Ilocos 6 na na-detain noon sa Kamara

Manila, Philippines – Kinumpirma ni Court of Appeals (CA) Associate Justice Remedios Salazar Fernando na ginawa ng udyukan ni SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang tatlong mahistrado ng CA na maghain ng petition for Temporary Restraining Order o TRO sa Korte Suprema.

Ito ay para maharang ang pagpapa-subpoena noon ng Kamara kina CA Associate Justices Antonino Valenzuela, Stephen Cruz at Erwin Sorongon na naglabas noon ng desisyon para palayain ang Ilocos 6 naka-detain sa Mababang Kapulungan matapos na tumangging magsalita tungkol sa iregular na paggamit umano ng Ilocos Norte Government ng tobacco funds.

Sa pagharap sa impeachment hearing, sinabi ni Salazar-Fernando na inihayag sa kanila ni CA Presiding Justice Andres Reyes Jr., noong June 21, 2017 ang impormasyon na pinaghahain ng petition for TRO ni Sereno ang tatlong Justices para hindi mapatawag ang mga ito sa Kamara sa ginawang desisyon na palayain ang Ilocos 6.


Sinabi pa aniya ni Sereno na ang Chief Justice na ang bahala kapag naihain na ang petisyon para sa TRO sa Korte Suprema.

Ayon pa kay Fernando, June 22 naman nang makasama nila si Sereno sa isang misa at lunch pero hindi na pinasama ni Sereno sa lunch ang tatlong Justices na pinapaharap noon ng Kamara dahil baka mapag-inhibit pa siya kung may maihaing petition sa SC.

Pero nilinaw ni Fernando na sa pulong nila noong June 21 na napagdesisyunan din nila sa CA na tanggapin ang subpinang ipapalabas noon ng Kamara.

Sa kanilang plano, ipapatanggap ang subpoena sa kanilang Clerk of Court para humarap at makasagot naman ang tatlong mahistrado ng CA sa imbitasyon ng Kamara.

Facebook Comments