Manila, Philippines – Hindi bumenta sa grupo ng mga consumer ang pagsasagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) ng inspeksyon sa ilang maliliit na pamilihan sa Metro Manila.
Ayon kay dating DTI Undersecretary Vic Dimagiba na ngayon ay pinuno ng grupong Laban Konsyumer bakit ang mga small time na tindahan ang pinag-iinitan ng DTI gayong mas maraming malalaking negosyante ang mapagsamantala.
Iginiit ni Dimagiba na dapat maunawaan ng ahensya na maging ang mga may-ari ng maliliit na tindahan ay sapul sa epekto ng TRAIN law.
Bumagsak kasi aniya ang benta ng mga matatamis na inumin tulad ng soft drinks, juice, energy drink at powdered juice na mabenta sa maliit na tindahan.
Kasunod nito umaapela ang grupo sa DTI na gawin ang kanilang mandato nang walang kinikilingan.