Kisame ng classroom sa Agdao, Davao City, bumagsak; limang estudyante, sugatan

Bumagsak ang kisame ng isang silid-aralan sa Lapu-Lapu Elementary School sa Barangay Agdao, Davao City, sa kasagsagan ng isang klase bandang alas-9:30 ng umaga kahapon, Oktubre 7.

Sa panayam ng DXDC RMN Davao kay Kagawad Reynaldo Diaz, sinabi nitong mahigit 40 estudyante ang apektado sa insidente, at lima sa mga ito na pawang Grade 6 students ang nagtamo ng mga minor injury sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay Diaz, pinag-aaralan ngayon ng punong-guro ng paaralan ang pansamantalang pagkansela ng klase sa apat na silid-aralan para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Dagdag pa niya, ngayong araw ay nakatakdang magsagawa ng inspeksyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa nasabing gusali upang alamin ang sanhi ng pagbagsak ng kisame.

Facebook Comments