Kita ng airline companies, hindi pa nakabalik sa 100% ayon sa Civil Aeronautics Board

Hindi pa masabi sa ngayon ng Civil Aeronautics Board (CAB) kung nakabalik na ang 100% na kita ng airline companies.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni CAB Deputy Executive Director Atty. Maria Elben Moro na marami pang kailangang bawiing kita ang airline companies mula sa malaking pagkalugi nila sa higit dalawang taong walang biyahe dahil sa pandemya.

Sinabi ni Moro, ang pwede nilang sabihin ay unti-unti nang bumabangon ang airline companies lalo na at dumarami na muli ang mga biyahe dahil marami na rin ang mga pasahero.


Sa ngayon aniya, patuloy silang magmo-monitor sa galaw ng pamasahe, fuel surcharge, pasahero, at pagiging maalwan ng mga airport para makasunod sa passenger rights bill.

Matatandaang sinabi ng CAB na may pagbaba sa fuel surcharge sa Nobyembre dahil sa pagbaba rin ng presyo ng aviation fuel.

Sinabi ni Moro, bumaba sa level 8 ang fuel surcharge para sa buwan ng Nobyembre, kaya magiging mula 253 pesos hanggang 787 pesos ang fuel surcharge sa domestic flights, habang nasa 835 hanggang 6200 pesos naman sa international flights depende sa layo ng biyahe.

Ito ay mula sa ipinatutupad na presyo ngayong Oktubre na 287 hanggang 839 pesos sa domestic flights at 947 hanggang pitong libong piso sa international flights.

Facebook Comments