Hindi ikinunsidera ng Department of Finance (DOF) ang kita mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) para maging bahagi ng target revenue collection ng pamahalaan sa 2025.
Sa budget briefing sa Senado kung saan unang sumalang ang Department of Budget Coordination Committee (DBCC), kinwestyon ni Senator Loren Legarda si Finance Secretary Ralph Recto kung kasunod ba ng naging pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos sa State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo ay natanggal na rin ba sa projected revenue collection sa susunod na taon ang kita ng POGO.
Ayon kay Recto, maliit lang ang kita na nakukuha ng pamahalaan mula sa POGO kaya hindi na nila ikinunsidera na isama ito sa target na kita ng bansa.
Sinabi pa ni Recto na walang magiging epekto sa ekonomiya ang pagkawala ng kita ng pamahalaan mula sa POGO at kung meron man ay napakaliit lang ng impact at sa katagalan ay mas magiging mabuti pa ito para sa bansa.
Ikinalugod naman ni Legarda at tiwala siya na sa huli ay “worth it” ang pag-alis ng POGO sa bansa lalo na kung nakasalalay ang imahe, peace and order, national security at proteksyon sa karapatan sa lahat ng mga tao.