Target ng gobyerno na makalikom ng mahigit PHP200 billion kita matapos na makalusot sa ikalawang pagbasa ang panukalang taasan ang motor vehicle road user’s tax o mas kilala na road user’s tax.
Ayon kay house ways and means Committee Chair Joey Salceda, sa house bill 6136 ay kikita ang pamahalaan ng tinatatayang PHP200 billion mula 2020 hanggang 2024.
Mapupunta ang malaking bahagi ng kikitain sa Public Utility Vehicle (PUV) modernization program.
Sa ilalim ng panukala ang road user’s tax sa mga sasakyan ay magiging PHP2,080 sa 2020; PHP2,560 sa 2021 at PHP3,040 sa 2022 para sa passenger cars na mayroong Gross Vehicle Weight (GVW) na hanggang 1,600 Kilograms (kg).
Sa taong 2020 magbabayag ng PHP1.40 unitary tax per kilogram ng gvw ang mga utility vehicles, sports utility vehicles, buses, trucks at trailers; PHP2.50 per kilogram sa 2021 at PHP3.40 per kilogram sa 2022.
Mula naman sa January 2023 ang Road User’s Tax ay tataas ng 5% bawat taon.
Sinabi Salceda progressive ang pagpapatupad ng batas dahil ang mga mayayaman ang direktang tatamaan at mahihirap naman ang makikinabang.
Sabi pa ng mambabatas, ang kasalukuyang the MVUC rates ay hindi tumaas simula noong 2004.