Maituturing na maliit lang na halaga ang kitang mawawala sa bansa sa ganap na pagpapatupad ng programang value added tax (VAT) refund para sa mga dayuhang turista sa bansa.
Ayon kay Ways and Means Committee Chairman Sherwin Gatchalian, ang VAT refund program ay magkakaloob ng insentibo sa paggastos ng mga foreign tourists sa bansa mula sa kanilang shopping activities o pamimili, hanggang sa pagbabayad sa hotels, restaurants at iba pang recreation-related activities.
Paliwanag ni Gatchalian, ang estimated foregone revenue mula sa implementasyon ng programa ay aabot ng P3 billion o 0.08 percent ng kabuuang kita ng gobyerno.
Kung susukatin, ay maliit lamang aniya ang mawawalang kita kung ikukumpara sa maaaring kitain ng pamahalaan mula sa mas malaking potensyal na tourist arrivals at maaari pa itong makadagdag sa pangkalahatang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa ni Gatchalian, ang VAT refund program ay inaasahan ding magpapalakas ng husto sa turismo ng bansa na tutulong para magkaroon ng trabaho sa ating mga kababayan at bubuhay muli sa mga industriyang pinadapa ng pandemya.
Ang naturang VAT refund ay karaniwang practice sa maraming bansa sa buong mundo partikular sa Europa at Southeast Asia para makahikayat ng maraming turista.