Klarong guidelines para sa backriding sa motorsiklo, ilalabas ng JTF COVID Shield ngayong araw

Target na makakuha ngayong araw ng klarong guidelines ang Joint Task Force COVID Shield kaugnay ng pagpapahintulot sa backriding sa motorsiklo simula bukas.

Ayon kay JTF COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar, hihingi sila ng guidelines kay PNP Chief Police General Archie Gamboa para sa pagpapatupad nito.

Sa ngayon, maaari aniya nilang hanapan ng I.D. ang magka-angkas para malamang mag-asawa sila o live-in partner.


“E yun nga pong i-a-allow, only for couples. Malinaw po yun na ito po ay sa mga pribado. Ang isang way para malaman po yan ay syempre through their ID. Hindi man kailangan na may marriage certificate yan kasi meron naman talagang nagsasama na hindi naman kasal. Pero ang isang pagbabasehan natin d’yan e kung yung ID nila e galing sa iisang lugar,” ani Eleazar.

Aminado naman si Eleazar na magiging hamon sa kapulisan ang mano-manong pagche-check sa mga motorsiklong may angkas.

Dahil dito, plano ng JTF COVID Shield na magpatupad pa rin ng random checkpoint maliban sa mga lugar na kakaunti lang ang bilang ng mga sasakyan.

“Medyo masalimuot po ito kasi, sa atin po ngayon na nasa GCQ na tayo at MGCQ kung napapansin natin, an gating quarantine control points, hindi nap o tayo nakakapagrekisa sa lahat ng sasakyan kasi impractical yun and we will be defeating the purpose of the economy kung magtatraffic-traffic tayo at sisitahin natin lahat ‘yan,” giit ni Eleazar.

“Ang mga motorsiklo naman ngayon, kung allowed na po yan, random checkpoint pa rin ang gagawin. If it could be accommodated sa mga lugar na kakaunti naman ang traffic o mababa ang volume ng mga sasakyan, pwede nating sitahin lahat ng dadaan,” dagdag pa ng opisyal.

Facebook Comments