Kinansela muna ng lokal na pamahalaan ng Navotas ang face-to-face classes sa mga paaralan malapit sa pinangyarihan ng insidente ng pagsingaw ng ammonia at sunog.
Partikular sa M. Naval Street sa Brgy. Northbay Boulevard North upang masiguro na ligtas ang mga estudyante sa nangyaring ammonia leak.
Ilan sa mga nakanselang klase ay ang Northbay Boulevard North Elementary School kung saan may ilang estudyante pa ang pumasok pero pinauwi rin agad.
Matatandaa na 23 ang naisugod sa ospital kung saan 11 ang nadala sa Tondo Medical Center habang 12 naman sa Navotas City Hospital.
Isang menor de edad ang sinasabing binawian ng buhay ang nadala sa MCU Hospital sa Caloocan City pero hindi pa makumpirma kung dahil ito sa insidente ng ammonia leak.
Sa ngayon, ipinasara na ng lokal na pamahalaan ng Navotas ang cold storage facility habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon.
Matatandaan na alas-11:09 ng gabi nang itawag ng ilang residente ang nangyaring ammonia leak kung saan alas-12:06 ng hatinggabi nang mangyari ang sunog na umabot sa ikatlong alarma.
Naisara naman ng ala-1:42 ng madaling araw ang valve kung saan sumisingaw ang ammonia habang ala-1:57 naman ng madaling araw nang ideklarang fire out ang sunog.