Walang balak ang Palasyo ng Malakanyang na suspindehin ang klase sa buong bansa sa kabila ng banta ng Corona Virus Disease (COVID-19).
Ito ay kahit na inilagay na ng World Health Organization (WHO) sa highest level risk ang sitwasyon dahil sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang nakikitang rason ang pamahalaan para ipatigil ang klase sa buong bansa.
Sinabi pa ni Panelo, na wala pa rin namang rekumendasyon hinggil dito ang Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Disease.
Matatandaang sa memorandum na inilabas ng Department of Education o DepEd papayagan ang mga regional at division heads maging ang school administrators na magsuspinde ng klase kung mayroon lamang naitalang kaso ng COVID-19 sa isang paaralan.
Sa ngayon ay wala pang naitatalang local transmission ng COVID-19.
Una nang nagsuspinde ng klase sa elementary, junior high at high schools sa Japan hanggang April upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.