
Isinulong ni House Committee on Metro Manila Development Chairperson at Caloocan 3rd District Representative Dean Asistio na magpatupad ng alternative learning modalities sa lahat ng klase sa mga pribado at pampublikong paaralan sa loob ng dalawang linggo.
Batay sa inihain ni Asistio na House Resolution 374, ito ay para maisagawa ang pag-iinspeksyon sa mga school buildings sa buong bansa.
Layunin ng mungkahi ni Asistio na matiyak ang kaligtasan at integridad ng mga school buildings matapos ang sunod-sunod na lindol sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.
Bunsod nito ay kinalampag ni Asistio ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at TESDA na magtulungan para ikasa ang inspeksyon sa mga paaralan.
Giit ni Asistio, kasabay ng pagtiyak ng edukasyon para sa ating mga kabataan ay dapat ding garantiyahan ang kaligtasan ng bawat guro, empleyado, at mag-aaral.









