KLINARO | Manila City Govt. nilinaw na walang pondong inilabas tungkol sa 27 Ghost Bgry sa Manila

Manila, Philippines – Nilinaw nang pamunuan ng pamahalaang Lungsod ng Maynila na walang pondong inilalabas ang kanilang kampo patungkol sa sinasabing 27 mga ghost barangay sa lungsod.

Ayon kay Manila City Administrator Atty. Ericson Alcovendas, intact o hindi ginagalaw ang pondong 108 million pesos na mula sa real property tax shares para sana sa 27 mga barangay ng lungsod.

Inamin din ng opisyal na totoong 896 lamang ang barangay sa Maynila at ang napaulat na 27 na iba pa ay pawang mga boundary disputes o pinag-aagawang mga lupa ng ibat-ibang barangay.


Paliwanag ni Alcovendas patuloy na nireresolba ng Konseho ng Maynila ang nasabing disputes at sa oras na madesisyunan ito ay agad na ibibigay ang nakatabing pondo ng lungsod.

Tiniyak din ng Manila City Hall na handa nilang hatiin ang pondo sa lahat ng barangay kung ipag-uutos ng COA.

Giit ng opisyal na walang ghost barangays sa lungsod at walang pondong nawawala para sa mga Manileño.

Matatandaang naglabas ang COA ng report patungkol sa real property tax shares ng mga barangay sa lungsod kung saan nakahati ito sa 923 kahit pa 896 lang ang nakalista sa Liga ng mga barangay.

Facebook Comments