KMP, tutol sa plano ng DA na panibagong importasyon ng gulay

Tinututulan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa plano ng Department of Agriculture (DA) sa panibagong importasyon ng gulay bilang tugon umano sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produktong agrikultural.

Ayon sa KMP, ang plano ng DA ay magpapalala sa kalagayan ng lokal na agrikultura at mga magsasaka na matagal nang lugmok sa kahirapan dulot ng kalamidad, kawalan ng suporta ng gobyerno, at kompetisyon sa murang imported na produkto.

Ayon sa grupo, hindi importasyon ang solusyon kundi agarang suporta ng DA sa mga magsasaka upang muling makabangon sa pinsala na dulot ng sunud-sunod na bagyo.


Iginiit pa ng KMP na hindi dahilan ang mga bagyo para muling isulong ang importasyon na magpapabagsak sa presyo ng lokal na ani at maglalagay sa mas alanganing sitwasyon ng mga magsasaka.

Batay sa ulat, hindi bababa sa P10 billion ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ng magkakasunod na Bagyong Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel, at Pepito.

Hinimok din ng KMP ang publiko na manawagan ng mas mataas na subsidyo para sa sektor ng agrikultura, agarang aksyon na magtitiyak sa food security ng bansa, tunay na reporma at pagpapalakas ng kakayahan ng mga magsasaka na tugunan ang pangangailangan ng mamamayan.

Facebook Comments