Handa ang Kilusang Mayo Uno (KMU) na bigyan ng legal assistant ang isang factory worker na pinasahod ng isang bag ng barya sa Valenzuela City.
Sa interview ng DZXL 558, sinabi ni Elmer Labog, Chairperson ng KMU na malinaw na paglabag sa standard minimum wage law ang ginawa ng Next Green Factory kay Russel Mañosa.
Aniya, pag-iinsulto sa karapatan ni Mañosa na pasahurin ito ng puro tig-sisingko at diyes sentimos na may kabuuang ₱1,056 na katumbas ng dalawang araw niyang suweldo.
Sabi pa ni Labog, ang mga manggagawa kagaya ni Mañosa ay may karapatang bumuo ng samahan para maipagtanggol ang kanilang mga karapatan.
Una nang sinabi ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na ipinatawag na niya ang may-ari ng Next Green Factory na kasalukuyang nasa ibang bansa.