Desisyon na ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) kung aapela sila sa korte.
Ito ay matapos na katigan ng Court of Appeals (CA) ang hiling ng Office of the Solicitor General na petition for certoriari, prohibition, and mandamus.
Kaugnay ito sa temporary protection order na inilabas ng Davao City Regional Trial Court (RTC) Branch 15 laban sa Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) dahil sa nagpapatuloy na operasyon sa KOJC compound sa nasabing lungsod.
Sa desisyon ng appellate court, pinawawalang bisa ang inilabas na protection order ng Davao RTC at inatasan din ang korte na ilipat na ang lahat ng records ng kaso sa Quezon City RTC alinsunod sa direktiba ng Korte Suprema.
Nakasaad na umaksyon nang walang awtoridad ang Davao RTC sa ilalim ni Judge Mario Duaves nang maglabas ito ng protection order laban sa isinasagawang police operation.
Ayon naman kay Solicitor General Menardo Guevarra, desisyon na ng KOJC kung aapela sila pero immediately executory o agad na ipapatupad ang inilabas ng Court of Appeals.