
Ibinalik na sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Pasig City Jail male dormitory ang founder ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Pastor Apollo Quiboloy.
Kinumpirma ng BJMP na bandang alas-9:50 kagabi nang maibalik sa jail facility si Quiboloy matapos ang ilang linggong pananatili sa ospital dahil sa community acquired pneumonia.
Si Quiboloy ay unang dinala sa Rizal Medical Center (RMC) noong January 18, 2025 bandang alas-5:00 ng hapon matapos na idaing na nahihirapan siyang huminga.
Una na siyang nasuri ng RMC na may pulmonya, na nagbunsod upang siya ay ilipat sa The Medical City (TMC) sa Ortigas para sa karagdagang gamutan.
Noong January 23, 2025, iniutos ng Regional Trial Court (RTC) Branch 159 ang paglipat kay Quiboloy mula sa TMC patungong Pasig City General Hospital (PCGH) kung saan siya ay nasuri na may moderate risk na community acquired pneumonia at hypertension stage 2.
Habang nakakulong sa PCGH, pinayagan ng korte noong February 7 ang KOJC head upang makapag-record ng video para sa kanyang kampanya sa pagtakbong senador.