Nakapagtala ang Bureau of Customs (BOC) ng higit P76 bilyon na koleksyon sa buwis sa buwan ng Hunyo.
Ito’y sa kabila ng mga isyu at mga bintang na umano’y wala namang batayan.
Batay sa datos ng financial services ng Aduana, sinabi ni Assistant Commissioner Atty. Vincent Maronilla na siya ring spokesman ng ahensya na ang nasabing halaga ay mataas pa ng higit P6 na bilyon sa nakolektang P70.778 bilyon noong Marso kung saan unang naitala sa kasaysayan ng bansa ang pinakamataas na koleksyon ng Aduana sa loob ng isang buwan.
Para sa buwan ng Hunyo, inatasang kumolekta ang BOC ng P56.287 bilyon subalit nagtala ng aktwal na koleksyon na P76.290 bilyon o sobrang koleksyon na higit P20 bilyon.
Nitong buwan ng Hunyo ay umani ng mga bintang na katiwalian at batikos ang Aduana na isinabit pa ni Senate President Vicente Sotto III sa ilalim ng Senate Committee Report 649 bilang umano’y mga protektor ng mga smuggler ang mga matataas na opisyal ng BOC kabilang na si Comm. Rey Leonardo Guerrero.
Ayon kay Maronilla, dahil sa kanilang impresibong koleksyon, mataas ang kanilang kumpiyansa na muling malalampasan ng BOC ang target na P679.23 bilyon ngayong 2022 dahil lumampas pa ng higit P68 bilyon ang kanilang surplus collection para sa kanilang midyear collection target na P327.712 bilyon.
Aniya, mula pa noong Enero ay hindi pa nabigo ang BOC na makuha at malampasan ang kanilang buwanang target collection dahil na rin sa mga reporma at mahusay na liderato ni Comm. Guerrero.
Noong 2021, sa kabila pa rin ng mga bintang at batikos, nalampasan din ng BOC ang assigned target nito na P616.89 bilyon matapos makakolekta ng P645.8 bilyon o pasobrang koleksyon na lagpas sa P29 bilyon.
Sa nauna naman pahayag ni Guerrero, hinimok nito si Sotto at iba pa nilang mga kritiko na maglabas ng mga ebidensiya at sampahan na lang sila ng mga kaso sa korte upang maidepensa ang kanilang mga sarili sa halip na batikusin sila sa court of public opinion.