Koleksyon ng Gasolinahan sa Echague Isabela, Hinoldap!

60

Echague, Isabela – Hinoldap kagabi ang koleksyon ng Big A Gasoline Station sa Brgy. Tuguegarao, Echague, Isabela at natangay ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang koleksyon na nagkakahalaga ng Php50,000.00.

Sa naging pahayag ng collection supervisor ng nasabing gasolinahan na si Mark Louie Sadora, habang bumabaybay umano siya sa provincial road ng nasabing lugar, na sakay ng kanyang motorsiklo ay hinarang umano siya ng dalawang suspek na sakay din ng pulang motorsiklo na walang plaka.

Sinabi pa ng biktima sa himpilan ng pulisya na tinutukan umano siya ng baril ng isa sa mga suspek at idineklarang holdap kung saan ay mabilis na kinuha ang kanyang bag na naglalaman ng pera.

Pagkakuha umano ng pera ay biglang tumalilis ang mga suspek sa kanlurang direksyon sakay ng kanilang motorsiklo.

Hanggang sa ngayon ay patuloy parin ang imbestigasyon na isinasagawa ng PNP Echague, Isabela hinggil sa naganap na holdap.

Facebook Comments