Manila, Philippines – Kalahati ng koleksyon ng National Housing Authority ang nawala sa loob lang ng isang buwan mula nang okupahin ng grupong Kadamay ang mga pabahay sa Pandi, Bulacan noong Marso.
Nabatid na bukod sa kadamay ay ayaw na rin kasing maghulog ng mga dati ng may-ari ng units sa lugar.
Dahil dito nangangamba tuloy si Senator JV Ejercito, chairman ng Senate Committee on Housing na baka pumalya ang socialized housing sector ng pamahalaan.
Iginiit naman ni Kadamay National Chairperson Gloria Arellano na matagal nang bagsak ang koleksyon ng NHA kaya hindi dapat isisi sa kanila ang pagbagsak ng kita nito.
Samantala, nakita mismo ni Rep. Albee Benitez, chairman ng House Committee on Housing ang mga inokupahang pabahay ng grupong Kadamay kung saan nalaman niya kung bakit inayawan ito ng mga totoong may-ari ng unit.
Aniya, sa susunod na pagdinig ng joint committee, uungkatin nila kung sino ang dapat managot sa sablay na pabahay.
Maliban dito aniya ay hihimayin din nila kung saan napunta ang 50 billion pesos na socialized housing fund mula 2011 hanggang 2015.
DZXL558