
Hindi katanggap-tanggap para kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Representative Antonio Tinio ang kritisismo ni Vice President Sara Duterte na nananatili sa “paper and pencil” level o napag-iwanan at hindi na umangat ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Tahasang sinabi ni Tinio na ipokrita at walang karapatang magreklamo si VP Sara dahil hindi naman ito nagtrabaho ng maayos noong siya ang kalihim ng Department of Education.
Para kay Tinio, si VP Duterte ang pinakapalpak na Education Secretary dahil mas inatupag nito ang confidential funds sa DepEd sa halip na tugunan ang krisis sa edukasyon.
Tinukoy ni Tinio na nasa 11 to 17 percent lamang ang naging paggamit sa pondo ng DepEd sa panahon ng pamumuno ni VP Sara at hindi rin nito naipatupad ang pagamit ng modernong teknolohiya sa mga paaralan.
Dagdag pa ni Tinio, 192 lamang sa target na 6,379 na mga bagong silid-aralan ang naitayo sa ilalim ng pamumuno ni VP Sara sa DepEd habang 48 percent lamang ang nakamit nito sa implementasyon ng school-based feeding programs.









