Hindi pa man nagsisimula ang pormal na debate sa kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) Bill ay naging mainit na kahapon ang pagtalakay rito ng mga senador.
Sumentro ang diskusyon sa pagbabago o paglilipat ng referral ng komite na didinig sa isinusulong na sovereign wealth fund.
Sa argumento ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, sa halip na sa Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies ay ipinalilipat sa Committee on Government Corporations and Public Enterprises ang panukala na pinamumunuan ni Senator Alan Peter Cayetano.
Paliwanag ni Pimentel, sa ilalim kasi ng panukala, bubuo ng GOCC dahil sa itatatag na Maharlika Investment Corporation na siyang mangangasiwa sa sovereign wealth fund at hindi naman sinasabi rito na bubuo ng bangko at hindi rin ito tungkol sa currency o salapi.
Pero kinontra naman ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri at sinabing sa Kamara ay Committee on Banks and Financial Institutions ang duminig sa Maharlika fund.
Paliwanag pa ni Zubiri, ang itatatag dito ay isang financial institution ng pamahalaan at ito ay isang funding sources na gagamitin para sa funding mechanism kaya mas nararapat ito sa komite ni Senator Mark Villar.
Para matapos ang pagtatalo ay nagmosyon sa plenaryo na magbotohan kung saan 2 ang boto pabor kay Pimentel, 19 ang tutol at nag-abstain naman si Senator Pia Cayetano.
Dahil dito ang Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies pa rin ang didinig at bubusisi sa panukalang Maharlika Investment Fund.