Komite na mangunguna sa imbestigasyon ng war on drugs ng administrasyong Duterte, isasapormal ng Senado sa mga susunod na araw

Nilinaw ni Senate President Chiz Escudero na hindi ang komite ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang mangunguna sakaling itutuloy ng Senado ang pag-iimbestiga sa drug war o anumang imbestigasyon na patungkol sa kaniya at kay Senador Bong Go.

Sa ambush interview sa Sorsogon, sinabi ni Escudero na ito’y para walang alegasyon na ito ay personal at maiwasan ang pagiging hindi impartial o hindi patas.

Nagkausap na aniya sila ni Dela Rosa hinggil dito, at tinanggap naman ito ng senador.


Isasapormal ng Senado ang komite na mangunguna sa imbestigasyon sa war on drugs ng Duterte administration sa mga susunod na araw.

Sa ngayon posibleng ang Committee of the Whole ang manguna sa imbestigasyon pero ikinukunsidera din ni Escudero na ibang komite ang humawak sa gagawing imbestigasyon.

Kukonsulta rin aniya si Escudero sa iba pang mga senador kaugnay sa naturang usapin.

Facebook Comments