Pinagkokomento ng Korte Suprema ang Senate Committee on Women, Children and Family Relations kaugnay sa petisyong inihain ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na huwag na siyang imbitahan bilang resource person sa mga susunod na pagdinig ng Senado.
Sa pulong balitaan kanina, sinabi ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Ting na may sampung araw ang komite na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros upang magkomento sa inihaing petisyon para ipawalang bisa ang subpoena ng Senado laban sa kontrobersiyal na alkalde at magpatupad ng Temporary Restraining Order sa mga pagdinig.
Matatandaang hindi na dumadalo si Guo sa mga Senate hearing kaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operations o POGO dahil umano sa trauma na nararanasan nito.
Iginiit naman ng abogado ni Guo na nasa Pilipinas pa rin ang alkalde, kahit hindi na ito matagpuan sa kaniyang farm sa Tarlac.