Inaprubahan ng House Committee on Natural Resources ang substitute bill na nagdedeklarang protected area ang bahagi ng Philippine Rise.
Ayon sa isa sa mga nagsusulong ng panukala na si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, makabubuting mai-classify ang Philippine Rise bilang marine reserve upang mapakinabangan ng bansa ang natural resources na matatagpuan lamang sa teritoryo.
Magkagayunman, tutol dito si Deputy Speaker at Buhay Partylist Rep. Lito Atienza sa paniniwalang kapag idineklarang protected area ang Philippine Rise ay malilimita nito ang claim ng bansa.
Giit ni Atienza, kung Kongreso pa ang gagawa ng batas para limitahan ang interes ng bansa sa bahagi ng Philippine Rise ay lalo lamang nitong pinahihina ang posisyon ng Pilipinas sa pag-claim sa teritoryo.
Bunsod ng argumento at pag-delay ni Atienza na maaprubahan ang panukala ay nagkabanggaan naman sila ni Natural Resources Committee Chairman Elpidio Barzaga.
Giit naman dito ni Barzaga, may sapat nang pagtalakay na ginawa sa panukala partikular sa mga isinagawang pulong ng technical working groups.
Hindi naman nagpapigil si Atienza at patuloy lamang ito sa pagkwestyon hanggang sa tinawag na niya ang panel na “Barzaga bandwagon” at inakusahan din ang Cavite representative na may “dictatorial tendencies” at “nire-railroad” ang pagpapatibay sa panukala.
Dahil sa mainit na girian ng dalawa ay sinuspinde muna ni Barzaga ang pagdinig at muli ring bumalik kung saan makikitang mayroon nang nakalagay na blood pressure monitor sa braso ng mambabatas.