Wala umanong naibigay na kahit anong tulong ang pamunuan ng lumubog na barko na MT Princess Empress sa mga apektadong Mindoreños.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng Senate Committee on Environment, Natural Resources, and Climate Change kaugnay sa imbestigasyon sa naging epekto ng oil spill mula sa lumubog na oil tanker na MT Princess Empress sa Naujan, Oriental Mindoro.
Sa pagdinig, tinanong ni Senator Raffy Tulfo ang pamunuan ng MT Princess Empress kung anong tulong o ayuda ang naipaabot nila sa mga coastal barangays na apektado ng oil spill.
Ayon kay RDC Reield Marine Services Vice President Fritzie Tee, agad na ipinadala ng kanilang kompanya ang kanyang sister-in-law sa Pola, Oriental Mindoro para kausapin si Mayor Jennifer Cruz at tanungin kung ano ang mga pangangailangan sa kanilang lugar at ang naging tugon umano sa kanila ng alkalde ay ayaw na nilang tumanggap ng tulong mula sa oil shipping company.
Bwelta naman dito ni Mayor Cruz, nang una silang magkausap ng ipinadalang tauhan ng MT Princess Empress, pinaglalatag niya ang kompanya ng mga tulong na ibibigay sa kanilang lugar pero wala umanong malinaw na plano na ibinibigay ang kumpanya para sa mga damages na tinamo ng kanilang lalawigan.
Bukod dito, inanyayahan din ang kompanya na sumama sa pag-uusap kasama ang provincial government para talakayin ang epekto ng lawak ng pinsala gayundin ang mga tulong na kinakailangang ibigay sa mga residente ngunit hindi na umano bumalik sa kanila ang kompanya.
Bukod dito, sinusubukan nilang tawagan ang kompanya pero hindi sila sinasagot at binabagsakan din ng telepono.
Sinabi pa ni Mayor Cruz na siyam na araw mula nang magsalita sila sa media na walang tulong na ibinibigay ang pamunuan ng MT Princess Empress ay saka nag-aalok ng ayuda ang kompanya at dito niya sinabi na hindi na nila tatanggapin ang tulong nito.
Dagdag ng alkalde, sa kanila pa lang na munisipalidad, aabot na sa 4,800 ang apektadong pamilya hindi pa kasama rito ang mga pamilya mula sa ibang lugar na inabot na rin ng sakit, gutom at nawalan ng kabuhayan.