Kompanyang Flex Fuel, iginiit na hindi sila sangkot sa Investment Scam

Dumalo sa pagdinig na ipinatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kinatawan ng kompanyang Flex Fuel.

Sa pangunguna ni Atty. Janine Chua at Atty. Charles Fernandez, itinanggi nila ang paratang sa kanila ng kompanya na sangkot ito sa investment scam.

Paliwanag ni Atty. Chua, sa ngayon ay nangangalap pa ng mga dokumento ang Flex Fuel sa mga reklamong isinampa sa kanila pero tinitiyak nyang makikibahagi ang kanilang kompanya sa anumang imbestigasyon.


Kanina, muling nagtungo sa NBI ang mga biktima ng umano’y scam at iginiit na kaya sila lumahok sa investment ay dahil sa impluwensya ng aktor at host na si Luis Manzano.

Si Manzano kasi ang dating co-owner at chairman ng Flex Fuel Petroleum Corporation na nakapambiktima umano ng nasa 40 katao.

Nauna nang itinanggi ng aktor ang mga bintang na kasama siya sa mga nagpatakbo ng kompanya.

Hindi naman siya nakadalo sa pagdinig ng NBI matapos itong hainan ng subpoena at sa halip ay kinatawan na lang ng kaniyang abugado na si Atty. Augusto Fermo na sinabing haharap si Luis sa tamang panahon.

Matataandaang sinabi ng Flex Fuel na naapektuhan ang kanilang negosyo ng external factors na hindi nila kontrolado kabilang na ang COVID-19 pandemic.

Facebook Comments