31 mga opisyal at tauhan ng Brenterprise International Inc., ang inireklamo ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) dahil sa sinasabing paggawa ng pekeng resibo.
Kabilang sa mga sinampahan ng mga reklamo ang presidente ng Brenterprise na si Bernard Lu Chong.
Si Chong at ang 30 pang respondents ay ipinagharap ng mga reklamong falsification of commercial documents, fraudulent conduct of business, printing of fraudulent receipts or sales or commercial invoices at acting as intermediaries for graft and corrupt practices.
Napag-alaman sa imbestigasyon ng NBI na sangkot ang Brenterprise sa paggawa ng mga pekeng resibo, sales invoice, billing statements, vouchers, collection receipts, at delivery receipts.
Ibinibenta naman ito ng kompanya sa mga kliyente nito upang makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis sa gobyerno.
Sa pagtaya ng Bureau of Internal Revenue (BIR), nasa ₱25 billion pesos ng buwis ang nawala sa gobyerno dahil sa fake receipts mula 2019 hanggang 2021.