Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na iisa ang may-ari ng lumubog na MT Terra Nova sa Manila Bay at kumpanyang nagrenta noon sa barkong nagdulot ng malawakang oil spill sa oriental mindoro noong nakaraang taon.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gavan, ang SL Harbor Bulk Terminal Corp na may-ari ng MT Terra Nova ang umupa noon sa lumubog na MT Princess Empress na nagresulta sa pagtagas ng 800,000 litro ng langis sa Oriental Mindoro.
Sa ngayon, patuloy ang operasyon ng PCG upang makontrol ang pagkalat ng tumagas na langis sa karagatan.
Sinabi ni Gavan na bukas posibleng masimulan ang siphoning operations dahil hindi pa pala natatapos ang pagsasara sa mga pinagmumulan ng tagas.
Sakali namang matapos ang pag-alis sa tumagas na langis, agad silang magkakasa ng imbestigasyon sa insidente.