Kompitensya sa negosyo ang isa sa nakikitang motibo ng Philippine National Police (PNP) sa pagpapasabog sa isang bus sa Parang, Maguindanao kahapon.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo na lumalabas sa inisyal nilang imbestigasyon na dati na ring pinasabugan ang bus ng Rural Tours Bus sa mismong terminal nito sa Cotabato.
Matagal na aniyang nag-o-operate ang naturang bus company pero kamakailan lamang nang magkaroon ito ng biyahe mula Cotabato papuntang Maguindanao.
“Tinitingnan na possibly may kinalaman ito sa business rivalry,” ani Fajardo
“Matagal na [itong bus company] subalit iilang buwan pa lamang itong nakapag-operate from Cotabato na nagkaroon ng biyahe papunta ng Parang, Maguindanao. So, ito ngayon ang isa sa mga tinitingnang motibo na maaaring may mga ika nga ay naapektuhan sa pagkakaroon ng ruta nitong bus na ito na dati ay andun lang sa South Cotabato,” dagdag niya.
Samantala, may tinitingnan na ring person of interest ang PNP sa insidente.
“Meron tayong isang person of interest na sumakay sa bandang Cotabato, ‘yun ang possible na tinitingnan natin na nag-iwan ng bomba dyan sa bus. Bago nangyari yung pagsabog ay nakita itong nakasuot ng bull cap, naka-jacket na mabilisang bumaba ng bus at maya-maya nga ay sumabog,” saad ni Fajardo.
Tingin naman ng PNP, hindi intensyon ng suspek na may masaktan sa pagpapasabog dahil nangyari ito sa oras na naka-stopover ang bus at nasa baba ang karamihan ng mga pasahero.
“Sabi nga natin, kung ang intensyon na magkaroon ng casualty ay dapat ‘yun, habang enroute yung bus na nandun yung mga pasahero. So, hinintay na makarating doon sa terminal bago idinetonate,” ani Fajardo.
“Malaking bagay na y’ung isa pang IED ay hindi sumabog kaya may mga ebidensya tayong nakuha dito,” dagdag niya.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan naman ang bus company sa imbestigasyon ng PNP.
Nasa maayos na ring kalagayan ang apat na pasaherong nasugatan sa pagsabog.