Inilatag na ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta ang komposisyon ng kanilang binuong Judicial Integrity Board o JIB.
Ang nasabing board ay makakatuwang ng Corruption Prevention and Investigation Office (CPIO) para palakasin pa ang integridad ng hudikatura at maiwasan ang korapsyon sa kanilang hanay.
Itinalaga si Retired SC Justice at Phil. Judicial Academy Vice Chancellor Romeo Callejo Sr. bilang JIB Chairman at manunungkulan sa loob ng tatlong taon.
Habang si Retired SC Assoc. Justice at dating Mandatory Continuing Legal Education Board Chair Angelina Sandoval Guttierez ay itinalaga bilang JIB Vice Chairman sa loob naman ng dalawang taon.
Magsisilbi namang mga miyembro ng JIB sina Retired Court of Appeals Justice Sesinando Villon; Retired Sandiganbayan Justice Rodolfo Ponferrada; at Retired Court of Tax Appeals Justice Cieloto Mindaro-Grulla.
Magiging tungkulin ng binuong JIB ay ang pagbalangkas ng internal rules na ilalatag sa SC En Banc para sa pag-apruba.
Ito ang aakto sa lahat ng mga reklamo laban sa mga tiwaling alagad ng korte, kasama na ang mga mahistrado, hukom, mga opsiyal at kawani ng hudikatura.
Habang ang CPIO naman ang aakto sa mga gagawing imbestigasyon sa pagbuo ng kaso laban sa mga ito.