Komprehensibong audit sa lahat ng flood control funds sa nakalipas na 10 taon, iginiit ng isang Kongresista

Iginiit ni Kamanggagawa Party-list Representative Eli San Fernando ang pagsasagawa ng komprehensibong audit sa lahat ng pondong inilaan sa flood control projects sa nakalipas na 10 taon.

Ipinunto ni San Fernando na kung bilyon-bilyon piso ang nailalabas taon-taon para sa flood control ay bakit hindi pa rin makontrol ang baha.

Kaya tanong ni San Fernando kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, saan dinadala ang bilyong pisong pondo para tugunan ang pagbaha.

Inihalimbawa ni San Fernando noong 2024 kung saan P244.6 billion ang inilaan sa DPWH para sa flood management habang ₱3.52 billion naman sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Pero nakakadismaya ayon kay San Fernando na sa nabanggit na taon ay 53% lang ang nakumpleto ng DPWH sa flood control projects nito habang may 38% na delay rate naman ang MMDA.

Malinaw para kay San Fernando na palpak ang Marcos administration at ang DPWH sa pagresolba sa problema sa pagbaha kaya dapat ay may managot sa sablay na ito.

Facebook Comments