Komprehensibong masterplan para sa lahat ng infrastructure development at reevaluation ng polisiya at programa ng mga ahensya, hiniling ng ilang senador

Isinusulong ni Senator JV Ejercito ang pagkakaroon ng isang komprehensibong masterplan para sa lahat ng infrastructure development.

Ayon kay Ejercito, mahirap sikmurain na mayroong ₱300 billion na pondo para sa flood control project kada taon at mukha pang hindi pinagplanuhan at ginawa nang maayos ang mga proyekto.

Iginiit ng senador na kung patuloy ang paggawa ng patsi-patsi na flood control projects ay walang mangyayari kundi parang nagtatapon na lamang tayo ng pera.


Sinabi pa ng senador na mga high impact o big ticket flood control projects ang kailangan tulad ng mga mega dikes at malalaking water impounding infrastructures upang magkaron ng resulta at hindi lang pinaghahatian ng pondo.

Samantala, kung si Senator Nancy Binay naman ang tatanungin, lumalakas ang panawagan para sa reevaluation ng mga polisiya at programa partikular na sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang kaukulang ahensiya pagdating sa mga proyekto para maibsan ang baha at maiwasto ang sistema.

Nakakabahala aniya na sa panahon ng makabagong teknolohiya at napakaraming resources ay nananatiling kulang ang flood management systems ng bansa.

Facebook Comments