Komprehensibong pag-aaral kaugnay sa K-12 program, dapat ikasa ng Marcos administration

Hiniling ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas sa Marcos Jr administrasyon na magsagawa ng komprehensibong pag-aaral ukol sa K-12 program sa layuning baguhin ang sistema ng edukasyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga estudyante at bansa.

Panawagan ito ni Brosas, makaraang ihayag ng Commission on Higher Education o CHED na simula ngayong taon ay hindi na tatanggap ang mga state at local universities and colleges ng mga bagong senior high school students o SHS.

Ayon kay Brosas, sa naturang pasya ng CHED ay mapipilitan ang mga estudyante na pumasok sa mga pribadong paaralan na mas mahal ang matrikula o kaya naman ay tumigil sa pag-aaral kung kulang na kulang pa rin ang pasilidad sa public schools.


Para kay Brosas, ang nabanggit na desisyon ng CHED ay patunay sa kabiguan ng programang K-12 na magbigay ng de-kalidad at accessible na edukasyon sa bansa.

Binigyang diin ni Brosas na sa simula’t sapul ay tutol na ang mga estudyante at magulang sa programa dahil dagdag gastos lamang ito at hindi rin umano totoo na tatanggapin agad sa trabaho ang mga nakapagtapos ng SHS dahil college graduates pa rin ang kinukuha ng mga kompanya.

Facebook Comments