Bagsak na ang communication lines ng Philippine Coast Guard (PCG) sa lalawigan ng Catanduanes na ngayon ay dumaranas na ng hagupit ng Bagyong Rolly.
Kaugnay nito, sinabi ni PCG Spokesman Commodore Armand Balilo, inilagay na sa high alert status ang Aviation Force ng PCG kasama rito ang helicopters, islander plane kasama na rin ang mga sasakyan upang magsagawa ng rescue mission kung kinakailangan.
Nabatid rin kay Balilo na sa ngayon ay okey pa naman ang Camarines Sur, Legazpi, Albay at Sorsogon.
Sa Southern Tagalog ang inaalala ng PCG ay ang mga barko gayunman, nasabihan na rin aniya ang mga operator at ship captains na magkubli o take shelter upang hindi mahagip ng malakas na hangin at mga dambuhalang alon.
Ayon kay Balilo, bagamat sumunod ang lahat sa advisory ng PCG ay umaasa siya na maayos ang mga pinuntahan nila at hindi sila mahahagip ng Bagyong Rolly.
Samantala, ang mga barko rito sa Manila Bay kasama na ang sa PCG ay nakapagkubli na rin ngunit pinaalalahanan na maging handa sa pagbalik sa Maynila sa sandaling magkaroon ng emergency.
Dinagdag ni Balilo na maaga nilang inabisuhan ang lahat ng shipowners at kapitan ng mga barko na magkubli muna upang makaiwas sa mga aksidente sa karagatan.
Samantala, alas-8:30 kaninang umaga November 1 ay iinspeksiyunin ni PCG Commandant Admiral George V Ursabia Jr. ang Manila Yacht Club kung saan nakahimpil ang iba’t ibang yate.