Mariing kinontra ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang paninindigan ng Bureau of Corrections (BuCor) na saklaw ng Data Privacy Act ang impormasyon ukol sa kondisyon at pagkamatay ng mga bilanggo sa National Bilibid Prisons (NBP).
Diin ni Drilon, na dating kalihim ng Department of Justice (DOJ), ang nabanggit na mga detalye ay hindi maituturing na sensitibong impormasyon na kailangang protektahan ng Data Privacy Act.
Sa katunayan, ayon kay Drilon, ang death certificate ng mga ito ay isang public document.
Pahayag ito ni Drilon makaraang tumanggi si BuCor Director Gerald Bantag na magbigay ng pangalan at mahalagang detalye ukol sa napabalitang pagkamatay ng high profile Bilibid inmates tulad ni Jaybee Sebastian dahil sa COVID-19.
Sinabi ni Drilon, kung hindi paiiralin ng BuCor ang transparency ay hindi maiwasang mapaghinalaan na mayroon itong itinatago.
Dagdag pa ni Drilon, ang posisyon ng BuCor ay bukas sa pag-abuso at pagtatakip para sa mga preso na bigla na lang naglalaho, pekeng pagkamatay o extrajudicial killings sa loob ng bilangguan.