Lumabas sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety at Committee on Games and Amusements na may koneksyon sa isa’t isa ang mga personalidad na may kaugnayan sa operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at bentahan ng iligal na droga.
Base sa matrix na inilabas ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez, kabilang sa naturang mga Chinese nationals ang negosyante at dating presidential adviser na si Michael Yang.
Tinukoy sa matrix si Aedy Yang, isang incorporator ng 999 Realty Inc., na may-ari ng warehouse kung saan narekober ng Philippine Drug Enforcement Agency ang P3.6 bilyong halaga ng shabu sa Mexico, Pampanga.
Si Aedy ay incorporator din umano ng Golden Sun 999 Realty & Development Corp., kasama sina Rose Nono Lin, na misis ni Alan Lim at sila ay iniuugnay din sa Full Win Group of Companies, kung saan chairman si Michael Yang, na sinasabing financier ng Pharmally.
Ang Pharmally naman ay nasabit sa kontrobersyal na pagbili ng overprise na medical supplies noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Kabilang sa mga incorporator ng Pharmally sina Lincoln Uy Ong at Gerald Cruz, na shareholder naman ng Brickhartz Technologies, na isang support provider ng POGO firm na Xionwei Technologies.
Pagmamay-ari ito ni Weixiong Lin, na kilala rin bilang Alan Lim, na nadawit sa isang shabu raid sa Cavite noong 2003.
Sabi ni Fernandez, ang kapatid ni Michael Yang na si Hong Jiang Yang, ay isang incorporator ng Paili State Group Corporation, kasama si Rose Nono Lin at Hong Ming Yang, na pinaniniwalaang isa sa mga alyas ni Michael Yang.
Tinukoy rin ni Fernandez si Hong Jiang Yang na kapatid ni Michael Yang, ay mayroong transaksyon kay Bamban, Tarlac na si Alice Guo na may kabuuang halagang P3.3 bilyon na hindi pa malinaw kung para saan.