Koneksyon ng mga POGOs sa naglipanang illegal medical facilities, pinaiimbestigahan sa Kamara

Pinasisiyasat ng Bayan Muna Partylist sa Kamara ang kaugnayan ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa nagkalat ngayon na mga ilegal na medical facilities.

Sa House Resolution 971 na inihain nila Bayan Muna Partylist Representatives Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat ay pinapaimbestigahan sa Defeat COVID-19 Committee (DCC) kung may kinalaman ang mga POGO sa mga nagsulputang illegal medical facilities ngayon sa bansa.

Nakasaad sa panukala ang sunud-sunod na pagkakatuklas ng mga otoridad sa ilang residential units, warehouses at clinics na ginawang medical facilities ng mga Chinese na hinihinalang may COVID-19.


Natagpuan din sa mga lugar na ginawang ilegal na ospital ng mga Chinese ang kahon-kahong unregistered na mga gamot para sa COVID-19 na ginagamit sa kanilang mga pasyente.

Bukod dito, noong May 28, 2020 ay napag-alaman na 300 POGO workers ang sumailalim umano sa illegal mass testing sa isang laboratoryo sa isang subdivision sa Parañaque.

Umapela ang mga mambabatas sa DCC na agad imbestigahan kung talagang may kaugnayan ang mga POGOs sa ilegal na medical facilities sa bansa.

Facebook Comments