Koneksyon ng POGO sa isang malaking imbestigasyon ng Senado noong nakaraang Kongreso, ilalabas ni Sen. Risa Hontiveros

Tiniyak ni Senator Risa Hontiveros na ilalabas nila sa tamang panahon ang nakitang koneksyon ng mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa ginawa noon na napakalaking imbestigasyon ng Senado.

Mababatid na sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ay sinabi ni Hontiveros na may ginawa noong imbestigasyon ang Senado sa nakaraang Kongreso na isang napakalaking isyu at ngayon’y napag-alaman na konektado rin sa mga isyu ng POGO bagama’t ito ay hindi pa tinutukoy ng senadora.

Ayon kay Hontiveros, sa tamang oras ay ilalabas nila kung alin pang malaking imbestigasyon noong 18th Congress ang tinutukoy nila na may koneksyon rin sa mga iligal na gawain at krimen ng POGO.


Sa tamang panahon din aniya nila ipiprisinta ang mga seryosong implikasyon nito sa paglabag sa karapatang pantao lalo na sa mga kababaihan at mga kabataan, paglabag sa labor standards, katiwalian sa mga ahensya ng gobyerno, transnational crimes tulad ng human-trafficking at iba pang may kaugnayan na isyu ng korapsyon at kapabayaan sa tungkulin sa loob ng gobyerno.

Mababatid na naitanong din ni Hontiveros sa pagdinig ng Senado na posibleng may mataas na opisyal na protector si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo bagama’t wala itong pinangalanan pero ipinakita naman sa pagdinig ang isang larawan ni Guo kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte at mukhang kuha ito sa isang bahay.

Facebook Comments